ZAMBOANGA CITY – Bumaba ang bilang ng krimen sa siyudad na ito matapos na ilunsad ang malawakang kampanya laban sa bawal na droga, ayon sa ulat ng Zamboanga City Police Office (ZCPO) kahapon.
“Bumaba po ’yung crime incidents natin like shooting mula nang inilunsad natin ang malawakang giyera kontra droga,” pahayag ni Senior Supt. Luisito Magnaye sa mga miyembro ng City Peace and Order Council sa pulong na ginanap sa city hall.
Ayon kay Magnaye, halos lahat ng crime incidents sa lungsod ay may kinalaman sa droga.
Sa usapin naman ng curfew para sa mga menor de edad, pinaalalahanan ni Mayor Maria Isabelle Climaco, pinuno ng CPOC, ang mga miyembro ng konseho na kailangan munang magpalabas ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng kautusan sa mga LGUs (local government units) dahil sa desisyong ipinalabas ng Supreme Court laban sa curfew.
“We need official guidance from the DILG so that we will be able to synchronize everything. Otherwise, if we do it by piecemeal there might be tendency for misconception and abuse,” sabi ni Mayor Climaco. (Nonoy E. Lacson)