Hiniling ng transport at commuters’ group sa korte ang pagsuspende at pagbasura sa kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagbabawal sa mga UV Express vehicles na bumiyahe sa EDSA.
Inihain ng Samahan ng Tsuper at Operator ng Pilipinas Genuine Organization (Stop and Go Coalition) at ng Philippine National Center for Commuter Safety and Protection, Inc. ang isang petisyon sa Quezon City Regional Trial Court para sa 20-day temporary restraining order (TRO) at writ of mandatory injunction laban sa LTRFB memorandum na nagbabawal sa lahat ng UV Express na bumiyahe sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni Jun Magno, pangulo ng Stop and Go Coalition, na ang Memorandum Circular No. 2016-009 ay hindi sagot sa lumalalang problema sa trapiko bagkus ay pabigat pa ito sa mga drayber at pasahero ng UV Express.
Ayon pa kay Magno, halos kalahati ang mababawas sa kita ng mga UV Express drivers dahil ang kautusan ng LTFRB ay nangangahulugan ng mas mahabang oras ng biyahe. (Vanne Elaine P. Terrazola)