Nagpakamatay ang isang bilango sa loob ng kanyang selda sa Manila City Jail kahapon ng umaga, isang araw matapos siyang hatulan ng korte ng habambuhay na pagkakakulong dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2000, ayon sa ulat ng police.
Wala nang buhay si Edwin Lim, 52, nang makita ng kapwa bilanggo na nakabigti sa kanyang kama sa Dormitory number 7, Kubol number 14 ng city jail.
Noon Lunes, ibinaba ni Manila Regional Trial Court Presiding Judge Maria Sophia Solidum-Taylor ang kanyang desisyon na hinahatulan si Lim ng habambuhay na pagkabilango at pinagbabayad ng danyos na P500,000 dahil sa paglabag sa Section 5 (Sale, Trading, Administration, Dispensation, Delivery, Distribution and Transportation of Dangerous Drugs and/or Controlled Precursors and Essential Chemicals). Bukod dito, hinatulan din siya ng karagdagang 12 hanggang 15 taon pang pagkakakulong at pinagbabayad ng P300,000 multa dahil sa paglabag sa Section 11 (3) (Possession of Dangerous Drugs) ng naturang batas.
Ayon kay PO2 Ryan Jay Balagtas, may hawak ng kaso, ang hatol ng korte ang maaaring nagtulak kay Lim para magpakamatay. (Jaimie Rose R. Aberia)