CAGAYAN DE ORO CITY – Ibinunyag ni Pangulong Duterte na napasok na ng local communist group ang money transfer network ng bansa upang palawakin pa nito ang extortion activities sa Mindanao.
Ginawa ni Duterte ang pahayag nang harapin nito ang mga tropa ng gobyerno sa Camp Evangelista. Ayon pa kay Duterte, hindi na dumidirekta ang mga ito sa Mindanao-based companies pagdating sa extortion activities ng mga ito.
“They thrive in Mindanao because of taxation. They survive through extortion so that’s the problem,” ani Duterte “Ang bayaran dito rin sa Maynila, transfer of money lang yan.
Hindi naman nagkokolekta ’yung tax collector doon.” Bukod sa mga banana plantation, target din ng mga extortionists ang ilang mga mining companies sa Mindanao.
“Kaya nagwawala si Gina Lopez sa – secretary ng DENR. Nandoon lahat eh, porsyentuhan lang yan. Pati yan gold mine yan, ang bayaran dito rin sa Maynila, transfer of money lang yan,” dagdag pa ni Duterte.
Kaya naman ganoon na lamang ang pakiusap ni Duterte sa mga rebelde na itigil na ang pangingikil upang matuloy ang planong peace talks sa mga komunista. (Genalyn D. Kabiling)