Pinadapa ni 9th seed Woman International Master Janelle Mae Frayna si 37th seed Woman FIDE Master Visanescu Daria-Ioana ng Romania upang trangkahan sa panalo ang Pilipinas sa pagbubukas Lunes ng 55th World Junior Open (Boy’s) and 34th Girls Chess Championships 2016 sa Sports Complex ng KIIT University sa Bhubanesbar, Odisha, India.
Kabilang ang Filipina woodpusher sa 23 mga nagsulong agad ng tagumpay para sa 1.0 point sa 13-round, 15-day event na aabutin pa sa Agosto 22 kung saan nakataya ang trophies, medals, cash, Grandmaster, Woman GM, IM, WIM, FM at WFMs titles at norms.
Asam ni Frayna na masungkit na ang kailangan nitong puntos upang tanghalin bilang kauna-unahang woman grandmaster ng bansa.
Nabigo si 21st seed WFM Shania Mae Mendoza kay W Candisate Master Chandreyee Hajra ng host country para mapabilang sa 22 na mga bokya pa sa puntos. (Angie Oredo)