Isang barangay chairman ang nabaril at napatay ng pulis nang tangkain niyang agawin ang baril na isa sa police escorts na magdadala sana sa kanya sa ospital para sa medical check-up matapos siyang mahuli sa isang drug bust noong Miyerkules ng gabi sa Pasay City.
Kinilala ni Senior Supt. Noli Bathan, Pasay City Police chief, ang napatay na si Edwin Ganan, alias “Toto Manok”, residente ng 169 Propetarious Street, Barangay 29, Zone 5, Pasay City. Ayon kay Bathan, naganap ang insidente bandang 5:15 p.m. sa tapat ng Pasay City General Hospital sa Burgos St., Pasay City.
Base sa police report, sumuko si Ganan kay Bathan noong Lunes ng umaga nang malaman niyang kasama ang pangalan niya sa police drug watch list ng mga drug personalities. Nangako si Ganan na makikipagtulungan sa pulis para madakip ang mga tulak ng droga sa kanilang lugar.
Ngunit noong Martes, 9:30 ng gabi, nadakip ng mga miyembro ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Reaction Unit (SAID-SRU) si Ganan sa isang buy-bust operation. Nakuha sa kanya ang dalawang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P30,000.
Sakay ng patrol car, dinala ng mga pulis si Ganan sa ospital para sa kanyang medical check-up bago siya ikulong.
Ngunit pagkababa ng patrol car, sinunggaban ni Ganan ang baril ng isa sa kaniyang police escort na si PO2 Clarence Maynes. Napilitang barilin ng mga pulis si Ganan nang makitang nakikipag-agawan ng baril kay Maynes.
Namatay noon din si Ganan dahil sa mga tama ng bala sa katawan, ayon sa police report. (Jean Fernando)