Tinalo ni Philippine women’s National Champion Woman International Master Janelle Mae Frayna ang nakatapat na American Woman International Master Ashritha Eswaran sa Round 3 ng Ruy Lopez encounter para makisalo sa liderato ang tatlong iba pa sa World Junior Chess Championships ( boys & girls) sa Bhubaneswar, India.
Nakatipon si Frayna ng kabuuang tatlong puntos sa loob ng tatlong round. Tinalo nito sa first round si WFM Daria Ioana Visanescu ng Romania sa 40 moves ng French defense Tarrasch variation at sa second round gamit ang white pieces ay binigo si WCM Saina Salonika ng India sa 28 moves ng King’s Indian Romanian variation.
Sasagupain ni Frayna, na hangad ang kanyang ikatlo at huling Woman Grandmaster norm para tanghalin na siyang pinakaunang Philippine Woman Grandmaster, ang co- leader na si Woman International Master Alina Bivol ng Russia sa Round 4.
Ang kababayan nito na si 2016 Philippine junior champion Woman FIDE Master Shanai Mae Mendoza, gamit ang itim na piyesa, ay nagawang masungkit ang unang panalo kontra kay Astrid Barbier ng Belgium sa 40 moves ng Ruy Lopez. (Angie Oredo)