Inaresto ng mga pulis ang isang yaya matapos makuhanan ng CCTV camera ang ginawa niyang pagmamaltrato sa isang taong gulang na bata na kanyang inaalagaan sa Marikina City.
Nagsampa ng reklamong child abuse ang negosyanteng si Mary Rachelle Espinas laban sa kanyang house helper na si Karen Pineda Garcia, taga Bacolod.
Dinakip ng Marikina City police si Pineda matapos na magtago. Ayon kay Espinas, napansin niya noong kalagitnaan buwan ng Hulyo ang malaking pagbabago sa ugali ng kanyang anak.
Sanabi niya na hindi na nasasambit ng bata ang salitang “mama” at laging takot kapag naririnig ang pangalan ng kanyang yaya.
“Kapag inuutusan ko Karen na magtimpla ka ng gatas, bigla takbo sa akin at yayakap ang anak ko. At nakapagsalita na siya ng mama na lately parang naudlot,” pahayag ni Espinas kay PO3 Rina Castillo ng Child and Women’s Division.
Ito ang nagtulak kay Espinas para maglagay ng CCTV unit sa master’s bedroom ng kanyang bahay sa Rancho Estate IV Concepcion, Marikina City.
Kalaunan, napanood ni Espinas ang CCTV footage na nagpapakita na sinasampal at kinikurot sa tagiliran ang bata para matulog. Nang komprontahin ni Espinas ang katulong, agad na umalis ito at nagtago. Kaagad naman siyang nadakip ng mga pulis. (Madelynne Dominguez)