Tinatayang P2.2-million halaga ng marijuana ang nasamsam sa Mount Chumanchil ng mga otoridad sa isang operation sa Tinglayan, Kalinga noong Biyernes. Ang mga marijuana ay natagpuan sa isang 8.8 ektaryang plantasyon na may pananim na nagkakahalaga ng P449 million.
Sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency Cordillera Administrative Region Director Juvenal Azurin na babalik sila sa naturang lugar upang sirain ang 70 ektaryang plantasyon na kanila ring natagpuan. Kasama ng PDEA ang Army at Air Force sa operasyon.
Napagalamang hitik sa plantasyon ng marijuana ang naturang bundok. Noong nakaraang linggo, nadiskubre at sinunog ng mga otoridad ang marijuana na nagkakahalaga ng R2.2 billion. Samantala, isang barangay captain na tulak umano ng shabu ang naaresto sa raid sa kanyang bahay sa La Union noong Biyernes.
Kinilala ni Supt. Artemio Infante, La Union police provincial information officer, ang suspek na si Barangay Captain Roger Sibayan, 36, ng Rissing, Luna, La Union. (PNA and Erwin G. Beleo)