Nagkasundo ang Metro Manila mayors na limitahan ang paggamit ng Roxas Boulevard sa pagsasagawa ng running at biking events, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon.
Sinabi ni MMDA Chairman Emerson Carlos na kinakailangan na may regulasyon sa paggamit ng Roxas Boulevard, na paboritong lugar ng mga event organizers para pagdausan ng fun runs, walks, biking, film shootings, concerts, at iba pang kahalintulad na pangyayari.
Sa naturang Metro Manila Council meeting, sinabi ni Carlos na nagkaisa ang Metro mayors na payagan ang pagsasagawa ng fun runs dalawang beses lamang sa isang buwan at sa araw lamang ng Linggo.
Papayagan lamang ang mga organizers na gamitin ang isang direksiyon ng Roxas Boulevard at kinakailangang tapusin ang kanilang event bago sumapit ang ika-7 ng umaga, ayon kay Carlos. (Anna Liza Villas-Alavaren)