Sinibak sa puwesto ang 72 pang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa illegal na droga at iba pang kaso.
Ipinahayag ni QCPD director Senior Supt. Guillermo Eleazar kahapon na ang pagsibak sa 72 pulis sa iba’t ibang station ay base sa rekomendasyon ng kani-kanilang commanders.
Sinabi ni Eleazar na 69 sa sinibak ay dahil sa kanilang pagkakasangkot sa illegal drugs. Karamihan sa kanila ay mula sa Talipapa Police Station (PS-3).
Ang PS-3 ay dating pinamumunuan ni Supt. Victor Pagulayan na ipinadala sa Mindanao. Ang iba pang pulis na nasibak ay nakatalaga sa La Loma Police (PS-1), Masambong (PS-2), Novaliches (PS-4) Fairview (PS-5), Cubao (PS-7), Project 4 (PS- 8), Anonas (PS-9), Kamuning (PS-10), Galas (PS-11), Eastwood (PS-12), at QCPD’S Anti-Carnapping Unit.
Si Senior Inspector Damaso Gayatao ang may pinakamataas na ranggo sa mga sinibak na pulis. Ang kanyang pangalan ay nakasulat sa isang cardboard na natagpuan sa tabi ng bangkay ng isang drug pusher noong July 28.
“We will subject them to investigation and validation to make sure that the ongoing change we effected will be to the maximum, so that the people of Quezon City will feel more secure about their police,” Eleazar said.
Sinabi pa niya na ililipat ang 72 pulis sa District Headquarters Support Unit (DHSU) sa Camp Karingal habang sumasailalim pa sila sa masusing imbestigasyon. (Vanne Elaine P. Terrazola)