Inihahanda na ng Parañaque City Police ang rekomendasyon nito para sampahan ng kasong administratibo ang sampung jail officers, kasama na ang jail warden, na naka-duty nang mgakaroon ng pagsabog sa Paranaque City Jail nitong nakaraang lingo.
Sinabi ni Senior Supt. Jose Carumba, Parañaque City Police chief, na ire-rekomenda niya sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ngayong araw ang pagsasampa ng kaso laban kina Jail Supt. Gerald Bantag, Parañaque City Jail warden, at siyam na iba pa dahil sa paglabag sa BJMP security protocol.
“Ang recommendation ay nakabase sa pahayag ng dalawang security officers na nag-escort sa sampung inmates sa opisina ni Bantag,” sabi ni Carumba.
Sina SJO2 Ricardo Zulueta at JO2 Victor Erick Pascua ang security officers na nag-escort sa 10 inmates na namatay sa pagsabog.
Inamin nila na hindi nila sinunod ang tamang security protocol, gaya ng pagkapkap sa mga preso bago sila dinala sa opisina ni Bantag para makipag-usap sa warden.
Ayon pa kay Carumba, pinag-aaralan din nila ang pagsasampa ng criminal charges laban kina Zulueta at Pascua dahil inamin nila nakipagbarilan sila sa inmates sa loob ng opisina ni Bantag. (Martin A. Sadongdong)