Sampung araw lamang ang ibinigay ng Department of Justice (DoJ) sa dalawang miyembro ng Highway Patrol Group (HPG) para sagutin ang reklamong isinampa laban sa kanila dahil sa pagkamatay ng isang motorcyclist na kanilang inaresto sa Makati City noong nakaraang Hunlyo.
Binigyan ni Assistant State Prosecutor George Yarte Jr. sina Police Officer 2 Jonjie Mano-og at Police Officer 3 Jeremiah de Villa ng hanggang Agosto 26 para isumite nila ang kanilang counter-affidavits sa akusasyon na pinatay nila si John dela Riarte, 27, habang nakaposas.
Isinampa ng Public Attorneys Office (PAO) noong Agosto 8 sa DoJ ang reklamo laban sa dalawang pulis dahil sa pag-aresto, pag-torture, pagnanakaw at pagpatay kay Dela Riarte.
Dumalo ang dalawang pulis sa pagsisimula ng paunang imbestigasyon sa murder case na isinampa sa kanila. Nakatakda sanang ibigay nina Mano-og at De Villa ang kanilang counter-affidavits sa DoJ ngunit hiniling nila na bigyan sila ng 15 araw pa para sagutin ang akusasyon. Hindi pinagbigyan ni Yarte ang kanilang kahilingan. (Jeffrey G. Damicog)