Dalawang henerasyon ng mga pamilyang kampeon ang nagpakitang gilas kahapon ng umaga sa naging matagumpay na ginanap na 40th Milo Marathon Manila Eliminations Leg sa SM Mall of Asia Grounds sa Pasay City.
Ito ang mag-ama na sina Eduard Josh Buenavista at ang nagbabalik na 5th time champion at Milo National Finals marathon record holder na si Eduardo Buenavista at ang mag-ina na sina Leonalyn Raterta at 4th time Manila Leg champion na si Luisa Yambao-Raterta.
“BFF (Best Friends Forever) po kami ni Dad,” sabi lamang ng University of Baguio student at 15-anyos na si Eduard Josh hinggil sa ama at personal trainer nitong naging Olympian at Southeast Games gold medalist na lumapit naman mapantayan ang pinakamaraming naiuwing titulo sa taunang karera na kabuuang anim na hawak ni Roy Vence.
“Idol ko po si Mama,” sabi naman ng 14-anyos na si Leonalyn, na athletic scholar sa St, Michaels Schools of Laguna patungkol sa ina na si Luisa na isinukbit ang kanyang ikaapat na titulo sa 42.195 kilometrong karera sa Manila leg bagaman hindi pa nagwawagi sa matinding National Finals. (Angie Oredo)