Pag-aaral muna bago ka makapag-ensayo.
Ito ang pangunahing obhektibo ng nalalapit na itayo na Alsons- Hidilyn Diaz Weightlifting Schools sa mismong tabing bahay ng natatanging babae na nagwagi ng medalya sa ginaganap na 2016 Rio De Janeiro Olympics na si Hidilyn Diaz kasama ang supporter na Alsons Consolidated Resources.
Sinabi ito mismo ni Diaz, kasama sina Zamboanga City councilor at dating national coach Elbert Atilano, coach Alfonsito Aldanete at national weightlifter Nestor Colonia, sa pagbabalik nito sa Maynila sa inihandang pagtanggap dito ng higanteng kompanya sa kuryente na nakatuon sa lugar ng Mindanao.
“We want to help her (Diaz) with the educational scholarships and on putting up her soon to be called Alsons-Hidilyn Diaz Weightlifting Schools,” sabi ni Alsons Corporate Communications Manager Oscar Benedic Contreras III kasama ang Chief Executive Officer na si Tirso Santillan.
“We do give scholarships to the kids as part of our corporate social responsibility and we want to help her with her project in mind, details of which will be discussed and developed based on what she wants,” sabi ni Santillan. “Our trust is really to improve education of our youth and now with young athletes.”
Ipinaliwanag naman ni Atilano, na kasalukuyang vice president at head ng Technical Commission ng Philippine Weightlifting Association (PWA), na kanilang ia-adopt ang isinaimplementa nitong programa ng probinsiya na dapat munang mag-aral ang mga kabataan bago nito turuan at isabak sa pag-aaral ng weightlifting.
“We value the education of our youth dahil noong time namin, marami kami nagbubuhat pero dalawa lang yata kami na nakatapos ng pag-aaral. Kaya napag-usapan namin ni Heidi (Diaz) na dapat naka-enroll muna ang isang bata bago siya makapagsanay sa bubuuin nitong gym,” sabi ni Atilano.
Hindi naman sinabi ang kabuuang halaga ng ibibigay ng Alsons subali’t susundin nito ang anuman naisin ni Diaz para sa pagbibigay edukasyon sa mga kabataan kabilang na ang posibleng allowances, pasilidad at kagamitan sa bubuin nito na gym pati na rin sa pagtatayo ng eskuwelahan.
Nakatakda naman magtungo sina Diaz sa Senado para sa courtesy call, gayundin sa Philippine Air Force kung saan nakatakda itong bigyan ng promosyon para sa kanyang pagbibigay karangalan at prestihiyo sa bansa. (Angie Oredo)