LAOAG CITY, Ilocos Norte – Itinanggi ng isang town councilor ang alegasyon na nahuli siyang kasama sa isang pot session na sinalakay ng pulisya kamakailan sa Sitio Dungtal, Barangay 23, Laoag City.
Sa isang TV interview, sinabi ni councilor Al Aguibay, presidente ng Association of Barangay Chairman (ABC) at ex-officio member of Carasi town, naghahapunan umano sila ng kaniyang pamilya nang maganap ang insidente.
Ayon pa kay Aguibay, mayroon umano siyang mga testigo na kasama niya ang kaniyang pamilya nang siya ay arestuhin sabay tanggi sa alegasyon na gumagamit umano siya ng ipinagbabawal na gamot.
Patunay umano nito ang negative result ng pinagdaanan niyang drug test kamakailan. Iginiit pa ni Aguibay na walang nakuhang anumang sachet ng shabu sa kaniya at inosente umano siya sa bintang ng mga pulis. (Freddie G. Lazaro)