Halos abot kamay na ni Philippine No.1 at Women’s International Master (WIM) Janelle Mae Frayna ang pagiging unang WGM ng Pilipinas matapos nitong itala ang kanyang ika-anim na panalo kontra WIM Catherina P Michelle ng India sa krusyal na Round 10 ng FIDE World Junior Chess Championships 2016 (for boys & girls under 20) sa Bhubaneswar, Odisha, India.
Gamit ang puting piyesa, binigo ng 19-anyos at graduating Psychology student na si Frayna (2292) sa 55-moves ng Kings Indian opening ang 17th seed na si Michelle (2205) upang tipunin ang kabuuang walong puntos mula sa kanyang anim na panalo at apat na draw sa torneo na may kabuuang 13 round.
Base sa nakataya sa torneo ay posibleng igawad ang GM at IM norms sa mga manlalaro na magpapakita ng mahusay na paglalaro. (Angie Oredo)