Tinangka ng isang lalaki na wakasan ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa loob ng isang pension house sa Sta. Cruz, Manila, dahil sa suspetsang may kalaguyo ang kanyang live-in partner noong Miyerkules ng gabi.
Himalang nakaligtas si Edwin Mondalano, 38, sa tiyak na kamatayan matapos niyang bigtihin ang sarili sa rehas ng bintana gamit ang isang nylon cord.
Bago naganap ang insidente, nag-check-in si Mondalano at ang kanyang partner na si Melrose Nava, 20, sa TASB Pension House sa kanto ng Rizal Avenue at San Lazaro Street sa Sta. Cruz bandang 9:20 p.m. para sa pitong oras na pananatili sa kuwarto.
Sinabi ni Nava sa mga imbestigador na iniwan niya muna sa kuwarto si Mondalano nang dalawang oras para mag-shower sa labas.
Nang bumalik siya sa kuwarto, nagulat na lamang siya nang makita niyang nakabigti na si Mondalano at dumadaloy ang dugo sa kanyang taenga, ilong at bibig.
Mabilis na humingi ng tulong si Nava sa dalawang room boy ng pension house para isugod ang lalaki sa Jose Reyes Memorial Medical Center kung saan na-revive siya at nailigtas sa kamatayan.
Sinabi ni Nava na nagkakaroon sila ng problema ni Mondalano dahil nagsusupetsa ang huli na mayroon siyang kalaguyo. (Analou De Vera)