Nadakip ng police ang dalawang lalaking nang-holdap at bumaril sa anak ng isang mamamahayag sa Quezon City noong isang linggo.
Ipinahayag kahapon ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakadakip kina Ronnie Espinosa alias “Taning,” 33, at Arjel Landagora, 26, mga residente ng Montalban, Rodriguez, Rizal.
Kinilala ang dalawang salarin na siyang nang-holdap at bumaril kay Jan Dexter Rafiel Concepcion, 24, anak ni ABS-CBN Zamboanga correspondent Queenie Casimiro.
Ayon sa police, hinoldap ng dalawa si Concepcion sa harap ng isang condominium sa EDSA, Barangay Pinyahan, bandang 8:30 p.m. noong Agosto 8.
Nang tumanggi si Concepcion na ibigay ang kanyang cellphone, dalawang beses siyang binaril ng mga salarin sa dibdib.
Nananatiling nasa intensive care unit ng Quezon City General Hospital si Concepcion dahil sa tinamong sugat, sabi ng police.
Nagsagawa ng follow-up operations ang Masambong police sa lugar na pinangyarihan kung saan natagpuan nila ang isang basurero na nakasaksi ng krimen at pinangalanan sina “Taning” at “Arjel” bilang mga responsable sa naturang krimen.
Naaresto noong Agosto 17 si Espinosa habang nadakip naman si Landagora sa Montalban nitong Huwebes.
Inamin ng dalawa na sila ang nang-holdup at bumaril kay Concepcion. Hindi na-recover ang cellphone na ninakaw nila sa biktima ngunit nakumpiska sa kanila ang .38-caliber revolver na ginamit nila sa pagbaril kay Concepcion, at isang granada.
Nakakulong ngayon si Espinosa at Landagora sa police station at sinampahan ng kasong robbery with frustrated homicide at illegal possession of explosive. (Vane Elaine P. Terrazola)