Mahigit sa 700 dayuhan ang hinarang sa airport noong nakaraang buwan sa gitna ng pinaigting na kampanya ng Bureau of Immigration (BI) laban sa undesirable aliens.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente kahapon na karamihan sa 720 dayuhan na hinarang noong Hulyo sa Ninoy Aquino International Airport at iba pang paliparan ay nabigong ipaliwanag ang layunin nila sa kanilang pagbisita sa bansa.
Kabilang sa mga hindi pinayagang makapasok ng bansa ay ang mga dayuhang nasa BI derogatory list. Ipinaliwanag ni Morente na may karapatan ang immigration officers na harangin ang isang dayuhan kung hindi kasiya-siya ang kanyang mga sagot sa mga tanong tungkol sa mga lugar na kanyang pupuntahan, sa tagal ng kanyang pananatili sa bansa at sa layunin niya sa pagbiyahe dito.
Inanunsiyo rin ni Morente na mag-eempleyo ang ahensiya ng anim na Chinese interpreter sa international airports para tulungan ang mga immigration officers sa pakikipag-usap sa mga dumarating na turistang Chinese. (Jun Ramirez)