Inutusan kahapon ni Northern Police District (NPD) director Senior Supt. Roberto Fajardo ang Caloocan Police para imbestigahan ang mga “vigilante killings” sa lungsod matapos ang dalawang magkasunod na pagpatay sa dalawang tricycle driver noong Lunes at Martes ng gabi.
“These killings of vigilantes must stop. What they are doing is very alarming,” sabi ni Fajardo. “The incident last Monday night was caught by a CCTV camera, wherein a tricycle driver was gunned down in front of a bank.
The attackers were on board four motorcycles,” ayon sa kanya. Ang biktima ay nakilalang si Michael “Akong” Yang, 30, isang tricycle driver.
Nag-viral sa Facebook ang CCTV footage ng ginawang pag-atake ng walong lalaki na naka-bonnet at nakasuot ng helmet sa tapat ng isang bangko sa 10th Avenue, Caloocan City.
Ayon sa police reports, dinisarmahan din ng mga salarin ang security guard ng bangko. Noong Martes ng gabi, binaril ng dalawang nakamotorsiklong lalaki si Aries Verance, 29, isa ring tricycle driver, sa Barangay Bagong Barrio.
Napag-alaman na bago naganap ang pagpatay, sumuko sa mga pulis si Verance at umaming nagbenta ng droga. (Jel Santos)