Sinisiyasat ng pulisya ang pagkamatay ng dalawang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Quezon City noong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ang mga biktima na sina Renato Montas, 48, ng Sta. Maria St., Brgy. Holy Spirit; at Arnaldo dela Cruz, 58, ng Executive St., Brgy. Batasan Hills.
Natagpuang duguan at tadtad ng bala ang bangkay ni Montas sa Riverside Street, Barangay Commonwealth. Sinabi ng isang empleyado ng isang apartelle sa Quezon City Police District (QCPD) na bago natagpuan ang bangkay ng biktima, nakarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril bandang 12:30 a.m.
Si Dela Cruz naman ay binaril ng dalawang nakamotorsiklong lalaki bandang 2:30 p.m.. Ayon kay barangay tanod Lorenzo Mateo, kasalukuyan siyang nasa duty sa Executive St. nang makarinig siya ng mga putok ng baril malapit sa kanyang lugar.
Maya-maya pa dumaan sa kanyang harapan ang dalawang armadong lalaki na nakamaskara. Nang puntahan niya ang lugar na pinanggalingan ng putok, nakita niya si Dela Cruz na duguan at nakalugmok sa tabi ng kanyang motorsiklo.
Base sa police report, nagtamo ng sampung tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima. Inaalam pa ng QCPD-CIDU ang motibo ng pagpatay sa dalawang biktima. (Vanne Elaine P. Terrazola)