Humabol sa huling sandali ang powerlifter na si Agustin Kitan upang itaas sa limang atleta sa pangunguna ni Sydney Olympics medalist Adeline Dumapong-Ancheta ang sasabak para sa Pilipinas sa paglahok nito sa 2016 Paralympic Games na gaganapin sa susunod na buwan sa Rio De Janeiro, Brazil.
Ang 38-anyos na si Kitan, na mula sa Bauko, Mountain Province at may orthopedic impairment dahil sa polio, ang huling atleta na nakapagkuwalipika sa kada-apat na taong torneo para sumabak sa Men’s Powerlifting sa -52 kg.
Si Kitan ang ikalawang pambato ng bansa sa powerlifting matapos na unang makapasa si Dumapong-Ancheta na matatandaang nakapagwagi ng bronze medal sa sports 16-taon ang nakaraan sa Sydney, Australia na siya din una at huling medalya ng Pilipinas sa torneo.
Makakasama nina Kitan at Dumapong-Ancheta sa Rio sina Josephine Medina sa table tennis, Ernie Gawilan sa swimming at si Jerrold Pete Mangliwan sa athletics.
Ang Rio Paralympic Games, na isasagawa simula Setyembre 7 hanggang 18 ang katapat na torneo ng Olympic Games para sa mga atletang may kapansanan.
Mahigit 4,350 atleta mula sa 160 bansa ang lalahok sa 23 sports kung saan 528 medalya ang nakataya.
Makakasama sa delegasyon sina Philippine Sports Association for the Differently Abled president Michael Barredo at secretary-general Ral Rosario pati na mga coaches na sina Louise Mark Eballa (table tennis); Ramon Debuque (powerlifting), Antonio Ong (swimming), Joel Deriada (athletics) at Raul Michael Cembrano (team physician).
Binigyan naman ng isang taimtim na misa ang limang pambansang atleta sa simpleng seremonya sa PhilSports Arena ganap na alas-2 ng hapon na dinaluhan ni Dennis Esta, na siyang magsisilbing chef de mission. (Angie Oredo)