Iniutos kahapon ni Mayor Joseph Estrada ang muling pagpapatupad ng anti-littering law bilang bahagi ng kampanya sa kalinisan na inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Maynila. “We’ve been doing our part.
We have started our road clearing operations. Now I’m appealing to the people of Manila to help us clean our city,” sabi ng alkalde.
Inutusan niya ang lahat ng concerned city hall departments na mahigpit na ipatupad ang 1994 anti-littering ordinance ng lungsod.
Sa anim na distrito ng Maynila, ang District 3 ang pinakamadumi base sa dami ng nakokolektang basura sa lugar araw-araw, ayon kay Department of Public Services (DPS) head Belle Borromeo.
Sakop ng District 3 ang Binondo, Quiapo, San Nicolas, at Sta. Cruz, na may kabuuang 126 barangays. Noong 2015, umabot sa 221,780 and populasyon dito.
Sinabi ni Borromeo na nakaka-kolekta sila ng 10 truck ng basura sa District 3 pa lang araw-araw. “That’s about 40 to 50 tons a day,” aniya.
Nakikipag-tulungan ang DPS sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagpapatupad ng anti-littering regulations sa siyudad, kasama na dito ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.
(Jaimie Rose R. Aberia)