Dalawang hinihinalang sangkot sa paggawa at pagbebenta ng “party drugs” ang nadakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang condominium sa Manadaluyong City kahapon ng umaga.
Base sa inisyal report ng Mandaluyong Police, naabutan ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa aktong nagre-repack ng shabu na nagkakahalaga ng P1.5 milyon.
Ayon sa police, nakumpiska rin sa dalawa ang cocaine, valium, marijuana, at iba’t ibang klase ng ecstasy tablet.
Itinago muna ng mga awtoridad ang pangalan ng mga nahuli at ng condominium sa kadahilanang pangseguridad. Nasamsam din ng mga operatiba ang blank capsules, mga gamit at sangkap sa paggawa ng droga.
Napag-alaman na pinaghahalo ng mga suspek ang iba’t ibang klase ng gamot gamit ang blender bago nila ilagay sa mga kapsula para ibenta bilang “party drugs.”
Inimbitahan ang isang Gervy Lee sa opisina ng PDEA para sumailalim sa pagtatanong. Isinagawa ng PDEA ang pagsalakay sa condominium matapos makipag-coordinate sa Mandaluyong Police.
Dinala ang mga suspek sa PDEA office, ayon sa police report. (Madelynne Dominguez)