ONE week na ang nakaraan, pero usap-usapan pa rin sa umpukan ng showbiz writers ang bonggang 77th birthday celebration ni Mother Lily Monteverde. Ibang-iba raw ang Regal matriarch sa lahat ng movie producers. Talagang ipinaparamdam at ipinapakita ni Mother Lily ang pagmamahal niya sa showbiz press.
Dedicated niya sa showbiz press (datihan at baguhan) ang nakaraan niyang birthday celebration bilang pagbibigay-importansiya sa mga ito. Mahal na mahal daw niya kasi ang showbiz press na mula’t sapul nang itatag niya ang Regal Entertainment ay parating naka-suporta ang mga ito sa mga pelikulang pinoprodyus niya.
Kahit may ibang malalaking film outfits ang namayagpag (at namamayagpag), never huminto sa pagpoprodyus ng mga pelikula ang Regal Entertainment. Malaking bentahe ng film outfits ang may sariling TV network na nagpa-plug ng kanilang movie teaser o trailer.
Dahil walang sariling network, umaasa lang si Mother Lily sa suporta ng showbiz press. Aniya, malaki ang utang na loob niya sa showbiz press at malaking bahagi ang mga ito sa narating ng kanyang production company.
Dahil sobrang love ni Mother Lily ang showbiz press, nag-magandang-loob siya na pwedeng maging tambayan ng mga ito ang isang bahagi ng Valencia Events Place. Palalagyan niya ’yun ng wifi para magamit kung gusto ng showbiz press na doon mag-deadline.
Good vibes lang
Timing sa anniversary month ng “Sunday Pinasaya” ang parangal na ibinigay ng PEP List Year 3 bilang Comedy Show of the Year. Tuwang-tuwa ang cast ng naturang Sunday show ng GMA7 at thankful sila sa karangalang ipinagkaloob sa kanila ng show.
In line sa first anniversary ng SP, magkakaroon ng two-part celebration na live telecast on Sept. 4 and 11. Bukod sa original hosts na sina Ai-Ai de las Alas, Marian Rivera, Jose Manalo at Wally Bayola, together with Alden Richards, Julie Anne San Jose, Barbie Forteza, Jerald Napoles, Joey Paras at Valeen Montenegro, bagong mainstays sina Ruru Madrid, Gabbi Garcia, Atak, Gladys Guevarra, Boobsie, Andre Paras, Pekto Nacua, Kim Last at Lovely Abella.
May mga bago ring segments. Ayon kay Ai-Ai, God’s blessing ang “Sunday Pinasaya.” Wala naman daw silang intensiyong talunin o higitan ang katapat nilang show. “Gusto lang naming magpatawa,” aniya.
Nang tanungin si Ai-Ai kung welcome bang mag-guest sa show nila si Kris Aquino, tumanggi siyang sumagot. Aniya, may mga katanungang walang kasagutan. “Good vibes na lang (laughs),” she said.
Pinagbawalan kaya?
Tawa nang tawa si Ai-Ai de las Alas at panay ang bulong sa katabing si Marian Rivera nang si Barbie Forteza naman ang tinanong tungkol kay Kris Aquino. “Siyempre, excited ako kung magge-guest si Miss Kris. Malaking karangalan ’yun sa akin. Baka ma-starstruck ako. Sasabihan ko siya ng ‘love, love, love po tayo (laughs).’ Susuyuin ko siya para matuwa siya sa akin,” wika ni Barbie.
Aniya pa, hindi naman niya binabastos si Kris kapag iniimpersonate niya ito sa segment niya sa “Sunday Pinasaya.”
Malaki ang respeto niya sa Queen of All Media at sobrang bilib siya kay Kris bilang TV host.
Sabi pa ni Barbie, akala niya’y pagdadrama lang ang kaya niya. “Kaya ko rin palang mag-impersonate,” aniya.
Tungkol sa estado ng relasyon nila ni Kiko Estrada, feeling ng entertainment press ay kiniyeme-kiyeme lang sila ni Barbie nang sabihin niyang single siya at walang karelasyon. Owwsss??? Hindi kaya pinagsabihan si Barbie na huwag nang magsalita tungkol sa kanila ni Kiko?
Wala sa itsura ni Barbie na heartbroken siya. Blooming ang beauty niya at ang saya-saya ng aura niya. Panay ang bungisngis niya kapag si Kiko ang pinag-uusapan. Dahil siguro si Andre Paras ang ka-love team ni Barbie, kaya tipong pigil na pigil siyang magsalita tungkol sa kanila ni Kiko. So, there!
Enjoy!
No show si Gabbi Garcia sa presscon ng “Sunday Pinasaya,” pero ’andun ang ka-love team niyang si Ruru Madrid. Aniya, may taping si Gabbi ng “Encantadia.”
Sobrang saya at thankful si Ruru na mainstays na sila ni Gabbi sa “Sunday Pinasaya.” Dati kasi’y pa-guest-guest lang sila. Ipinagdasal daw niyang sana’y maging regular din sila ni Gabbi sa SP.
“Ang saya-saya kasi. Nag-e-enjoy kami sa show. Naipapakita namin ’yung talent namin sa pagkanta at pagsayaw. Ang sarap katrabaho ng mga kasama namin sa show. Lahat, pantay-pantay. Walang nagpapa-star. Kapag nasa backstage kami, kuwentuhan, biruan, nagtatanungan kung ano’ng pwedeng gawin para mas lalo pa namin mapasaya ang audience at televiewers,” saad ni Ruru.