Nababahala si Senior Supt. Dante Novicio, Navotas City police chief, sa talamak na iligal na droga sa loob ng Navotas Fish Port Complex sa naturang lungsod.
Ayon ay Novicio, hindi well managed ang NFPC, dahilan upang maging talamak ang iligal na droga sa loob.
Sinabi ni Novicio na may full authority ang NFPC sa fish port dahil ito ay isang autonomous entity o may sariling kapangyarihan.
“The NFPC is an autonomous entity, which according to the MoA, they have the full authority in that area,” sinabi ni Novicio.
Pero pawang nabigong pa-ngalagaan ng NFPC ang kaayusan sa fish port, ani Novicio, dahil nakapagpagawa ng mga bahay ang mga illegal settlers sa loob kahit na may security guards na nagbabantay.
“What puzzles me is that how come an establishment like this – so secured – was being home to criminals,” sinabi ni Novicio.
Idinagdag ni Novicio na nakapanlulumo at kitang-kitang ang kalunos-lunos na kalagayan ng fish port.
Napag-alamang maraming mga wanted sa Navotas ang nagtatago at nadakip sa fish port na tinagurian ng mga pulis na “Drug Haven of the North.”
Naging madugo ang simula ng anti drug campaign ng pamahalaang Duterte sa fish port lalo na sa Market 3.
Mahigit 10 drug personalities na ang namamatay sa fish port simula nang umupo si Pangulong Duterte, ayon kay Novicio.
May namatay na ring pulis sa fish port, sa isang raid noong 2015, idinagdag ni Novicio.
Noong nakaraang buwan, matataas na kalibre ng baril ang nasamsam sa isang raid. Hinagisan ng granada ng isang hinihinalang drug pusher ang mga paparating na pulis kamakailan.
Pinaputukan ng tatlong hinihinalang drug pusher ang mga pulis sa isang raid noong nakaraang linggo.
“Imagine, they fired at us the last time we conducted a raid. That was very alarming, as if that they know that we’re coming,” sabi Novicio said. (Jel Santos)