PALO, Leyte – Ipinagtataka ngayon ng mga empleyado at kliyente ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) regional office sa Eastern Visayas ang biglaang pagkawala ng regional director nito ng halos isang linggo na.
Ayon kay LTFRB 8 administrative officer Dominador Brao, hindi pa nagpapakita si Regional Director Arthur Saippudin sa kaniyang tanggapan simula August 18 at hanggang sa kasalukuyan ay wala silang ideya sa kaniyang sitwasyon.
Walang sagot na nakukuha ang mga empleyado ng naturang LTFRB regional office sa tuwing kinokontak ng mga ito ang ilang mga contact numbers na iniwan ni Saippudin sa kaniyang tanggapan.
Dahil dito ay nagdududa ang ilang mga personalidad sa nasabing rehiyon kabilang na ang isang transport leader ng Burauen, Leyte ukol sa hindi pagsipot ni Saippudin sa kaniyang tanggapan.
Ito’y dahil nagsimula ang pagiging ‘AWOL’ ni Saippudin matapos ihayag ni Pangulong Duterte ang kaniyang banta sa mga patuloy na gumagawa ng graft and corruption sa kani-kanilang ahensiya kabilang na ang LTFRB.
Ayon kay transport leader Cesar Licopit, saksi umano siya sa ilang mga kaduda-dudang transaksyon ni Saippudin bilang regional director ng LTFRB.
Sa katunayan ay patong-patong na kaso ang isinampa ni Licopit sa Office of the Ombudsman-Visayas laban kay Saippudin.
Nagsampa din ng omnibus motion si Licopit sa Ombudsman na humihiling ng suspension sa serbisyo kay Saippudin.
(Nestor L. Abrematea)