Binaril at nasugatan umano ng isang lasing na pulis ang tatlong katao, kabilang na ang isang batang babae, noong Biyernes sa isang palengke sa Barangay Bagbag, Quezon City.
Naaresto ang suspect na nakilalang si PO3 Edgar Nargatan, 42, nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion ng Philippine National Police-Region 4-A, pagkatapos ng insidente.
Nahaharap ngayon sa patong patong na kaso ang suspect na nakapiit sa Quezon City Police District sa Camp Karingal, Quezon City.
Ayon sa salaysay ng isa sa mga biktima na si Ricardo Abilla, 29, fruit vendor, nagtitinda siya ng dumating ang suspect na lasing kasama ang apat na iba pa na sina fish vendors Melchor Dy, 53, Arnold Flores, 19, Elmon Nasinopa, 40, at Dominick Biysma, 45.
Bumunot ng baril si Nargatan at pinaputukan si Abilla sa kanang braso. Natamaan ng ligaw na bala ang iba pang biktima na dumaraan lamang na nakilalang sina Maria Cielo Gildore at Desserie Mendez.
Rumesponde ang mga tauhan ng QCPD Station 4 at sinita si Nargatan. Pero nangialam ang apat na kasama ng suspect dahilan upang makatakas si Nargatan.
Naaresto ang suspect sa isang follow-up operation sa kanyang bahay sa Barangay Gulod, Quezon City. Nasamsam sa suspect ang kanyang service firearm, bala, PNP ID, at iba pang mga dokumento.
Nahaharap din sa kaukulang kaso ang mga kasama ni Nargatan. (Vanne Elaine P. Terrazola)