Natagpuan ng Pasay City police ang ilang text messages na posibleng magdiin kay Eric Sison, isang pedicab driver na binaril umano ng tatlong pulis habang sumusuko kamakailan, sa iligal na droga.
Ayon kay Chief Insp. Rolando Baula, hepe ng Pasay police Station Investigation and Detective Management Branch, posibleng may drug transaction si Sison batay sa mga text messages na natagpuan sa cellphone ng suspect.
“Actually confidential pa ‘yung info but yes, merong nakita ang mga imbestigador natin na kahina-hinala sa kanyang cellphone. Palitan ito ng text messages, indicating drug transaction,” sinabi ni Baula.
Sinabi ni PO3 Giovanni Arcinue, may hawak ng kaso, na kabilang sa mga text messages ang maaaring presyo ng shabu at marijuana.
“May nabanggit doon na presyuhan ng shabu, marijuana. May nakalagay na P6,500, meron P3,500, 100 items, 400 items.
Pero ‘yung detalye kung alin ang alin, confidential pa,” ani Arcinue.
“Drug courier talaga ito kahit based doon sa intelligence report. Sinusuportahan ng cellphone eh talagang may suspicious text messages about drug transactions,” dagdag ni Arcinue.
Sinabi ni Baula na hawak na ng Philippine National Police-Anti-Cyber Crime Group ang naturang cellphone upang makuha ang iba pang text messages. (Martin A. Sadongdong)