Paiigtingin ng Bureau of Corrections (BuCor) ang seguridad sa New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa, katulad ng paghihigpit na ipinatutupad ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni BuCor officer-in-charge Rolando Asuncion na isang X-ray machine ang ilalagay sa visitor’s entry point ng NBP maximum security compound para mapigilan ang pagpasok ng bawal na gamot at iba pang kontrabando sa kulungan.
Ayon sa kanya, nagti-training ngayon ang mga tauhan ng BuCor sa ilalim ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP).
Sinabi ni Asuncion na nais parisan ng NBP ang security procedures na ipinatutupad sa mga airport. “Halos parehas ang security concerns at dating ng tao (sa NBP at airport),” sabi ni Asuncion.
Ayon pa sa kaniya, sa 24,000 na preso sa NBP, 6,000 ang na-sentensiyahan dahil sa mga kasong may kinalaman sa bawal na droga. (Jonathan M. Hicap)