Nadakip ng mga tauhan ng Eastern Criminal Intelligence Detection Group (CIDG) at Pasig City police ang apat na miyembro ng kilabot na drug trafficking group na nag-ooperate sa Eastern Metro Manila cities sa isinagawang buy-bust operation nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga naaresto na sina Melvin Exsano, 36, welder; ang kanyang asawa na si Mary Ann Exsano, 35, house keeper; Arlon Dionisio, 36, security guard; at Sherwin Valencia, 34, mga miyembro umano ng Exona Drug Trafficking Group.
Base sa police report, pinamumunoan ni Melvin Exsano ang drug group na nagsu-supply ng shabu sa Taytay, Cainta, Rizal, Pasig, at Marikina.
Sinabi ng CIDG officials na nasakote nila ang grupo ni Exsano sa pamamagitan ng information na nakuha sa mga kliyente nilang naaresto kamakailan.
Nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang 13 transparent plastic sachets na naglalaman ng shabu, 10 piraso ng 100 pesos marked money, dalawang electronic weighing scales, drug paraphernalia, isang .38-caliber gun na kargado ng limang bala, isang .9mm pistol na may pitong bala.
Nakakulong ngayon ang mga suspek sa Eastern CIDG office. (Jenny F. Manongdo)