Isasailalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa drug test ang lahat ng preso bilang hakbang para wakasan ang kuntiyabahan ng mga guwardiya at kasapakat sa pagbebenta ng droga sa loob ng mga kulungan.
Kinumpirma kahapon ni BJMP chief Jail Director Serafin Barreto ang pagsasagawa ng biglaan at sapilitang drug tests para sa mga sentensiyadong preso at mga detenidong dinidinig pa ang kaso sa korte.
Sa pamamagitan ng mandatory drug tests, sinabi ni Barreto na malalaman nila kung naipupuslit pa rin ang mga bawal na gamot sa mga selda at magbibigay daan din ang pagsibak sa mga tauhan ng BJMP na kasapakat ng mga drug pushers sa pagpasok ng kontrabando sa mga kulungan.
Ayon kay Barreto, aalisin niya sa pwesto ang mga jail warden kung magiging positibo sa drug test ang mga preso na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga. (Chito A. Chavez)