Plano ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan na sampahan ng “administrative charges” ang mga opisyal ng 88 barangay sa Caloocan City na hindi nakikipatulungan sa ipinatutupad na kampanya laban sa bawal na droga.
Sinabi ng alkalde na pupulungin niya ang kanyang legal counsels sa loob ng linggong ito para tapusin ang mga kasong isasampa sa mga naturang opisyal ng barangay.
“They will be sanctioned, and proper charges will be filed against them. I will not tolerate this. But more probably, they will face administrative charges,” ayon kay Malapitan.
Ipinahayag ni Malapitan na personal siyang sinulatan ang mga barangay officials, kung saan inuutusan niya sila na magbigay ng listahan ng hinihinalang drug personalities sa kanilang nasasakupang lugar.
“Pinadalhan ko sila ng sulat. Ang sinabi ko sa sulat ay magpasa sila ng mga listahan ng mga pinaghihinalaang tulak at gumagamit ng droga sa mga barangay nila, at tulungan ang mga pulis,” sabi ng alkalde. (Jel Santos)