Mahigit sa 100 illegal vendors ang naapektuhan nang magsagawa ng road clearing operations ang mga tauhan ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa distrito ng Binondo bilang bahagi ng ipinatutupad na “Zero Vending Policy” ni Mayor Joseph Estrada.
Ipinakita ni Estrada ang kanyang paninindigan na ipagbawal ang mga illegal vendors sa pangunahing daanan at sidewalk sa buong lungsod, isang araw matapos na magsagawa ng protest rally ang isang grupo sa harap ng city hall.
Pinangunahan ni Rafael “Che” Borromeo, pinuno ng Manila Task Force Manila Cleanup, ang pagpapalayas sa mga illegal vendors sa kahabaan ng MV Delos Street, Binondo, na nasa pagitan ng Ylaya at Sto. Cristo streets.
Sinabi ni Borromeo na labis nang naapektuhan ng mga illegal vendors ang traffic flow sa daanan. “Hindi sila sumusunod, e. Talagang naookupahan na nila halos ang malaking bahagi ng kalsada,” sabi niya. (Analou de Vera)