Tatlong hinihinalang drug pushers ang napatay habang dalawang iba pa ang nadakip sa magkakahiwalay na anti-drugs operations sa Quezon City kahapon ng umaga.
Kinilala ng Quezon City Police District ang mga napatay na sina Renato dela Rosa alias “Jay-jay Toyo,” ng Barangay Tatalon; Ramil Lopez at John Chester Erorita alias “John-John,” ng Barangay Bagong Sila-ngan.
Naaresto naman ang mga kasapakat ni Dela Rosa na sina Mark Anthony Nadela, 24, and Rommel Altis, 34, nakatira sa Barangay Tatalon.
Ayon sa police, si Dela Rosa ay may kinakaharap na kasong robbery, theft at paglabag sa RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Kasama rin siya sa drug watchlist ng Galas Police Station. Base sa police report nakipagbarilan si Dela Rosa sa mga pulis matapos siyang mamataan sa aktong nagbebenta ng bawal na gamot kasama sina Nadela at Altis sa Manunggal Street, Tatalon, bandang 12:35 a.m.
Napatay naman ng anti-illegal drugs operatives ng Batasan Police Station sina Lopez at Erorita nang manlaban ang dalawa sa buy-bust operation bandang 6:30 a.m. sa Bagong Silangan.
Kapwa nasa drug watchlist ng police ang dalawang napaslang, ayon sa mga imbestigador. (Vanne Elaine Terrazola)