Hindi pa man umeere ang bagong primetime series ni Dingdong Dantes ay kontrobersiyal na agad. May mga nagsasabing ginaya lang sa US TV series na “Arrow” ni Stephen Amell ang “Alyas Robin Hood” na pagbibidahan ni Dingdong sa GMA 7.
Pareho raw ng poster sina Dingdong at Stephen na parehong naka-hood na lumabas sa social media. Ang paliwanag ni Suzette Doctolero, creative consultant ng GMA7, fan art lang ang ginamit na poster at hindi galing sa GMA7. Hindi pa raw naglalabas ng official poster dahil last week pa ng September ang airing ng “Alyas Robin Hood.”
Ayon naman kay Ms. Redgie Magno, VP for Drama, malayo sa plot ng “Arrow” ang “Alyas Robin Hood.” Aniya, kuwento ito ng isang lower middle class lawyer na mapagbibintangan ng isang krimeng hindi niya ginawa. Sa kanyang paghahanap sa katotohanan, may mga matutulungan din siyang nangangailangan.
Ayon pa kay Ms. Redgie, maraming bersiyon na ng Robin Hood ang naipalabas sa iba’t ibang bansa dahil ito’y kinukunsiderang universal figure na maaaring maka-relate sa kuwento nito.
Siya pa rin
Si Angel Locsin pa rin diumano ang gaganap bilang Darna sa movie version ng Star Cinema. Ayon sa impormasyong nakarating sa amin, nagte-training na raw si Angel ng ilang physical activities bilang paghahanda sa gagawin niyang pelikula.
Early next year daw sisimulan ang shooting ng “Darna.” Ayon pa sa nakalap naming impormasyon, okey na at maayos na ang kalusugan ng Kapamilya actress. Matatandaang nag-backout si Angel sa project dahil sa health problem. Nagkaroon siya ng back ailment (disc bulge sa spine). Nagpatingin siya sa mga doktor sa Singapore. Nag-therapy sessions pa si Angel hanggang bumuti ang kanyang kalagayan.
Talaga raw hinintay ng Star Cinema maging okey ang kalusugan ni Angel dahil siya lang daw ang only choice para gumanap bilang Darna. So, “nganga” na ‘yung mga nangangarap o naghahangad maging Darna.
Na-pressure
Kasama sa “Barcelona: A Love Untold” ang dating PBB housemate na si Joshua Garcia. First time niya nakatrabaho si direk Olive Lamasan na aniya, sobrang na-pressure siya.
Sobrang mabusisi raw sa mga eksena ang lady director. Joke ni Joshua, kung naka-400 takes daw si Daniel Padilla sa isang eksena nito, mas marami siya. Pero ani Joshua, hindi naman siya na-trauma kay direk Olive. Maski raw sina Daniel at Kathryn Bernardo ay na-pressure rin kay direk Olive sa sobrang pagka-metikulosa nito.
Sobrang thankful si Joshua na nakatrabaho niya si direk Olive dahil marami siyang natutunan. Parati raw itong nakaalalay sa kanya sa mga eksena niyang kinukunan.
Ayon pa kay Joshua, sobrang happy at excited siya na nakatrabaho niya rin sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, ang mga bida sa “Barcelona: A Love Untold.” Hindi niya naramdamang pa-star ang mga ito.
Expired na
Nag-expire na ang kontrata ni Ogie Alcasid sa TV5. Pero wala pa siyang desisyon at ang kanyang management company kung saang network siya lilipat.
Tila nahihirapan diumano mag-desisyon si Ogie dahil tumatanaw siya ng utang na loob kay Mr. Manny Pangilinan, may-ari ng TV5 at ninong nila sa kasal ni Regine Velasquez. Lumipat si Ogie sa naturang network dahil gusto niyang tulungan ang kanilang ninong na maiangat o makaagapay man lamang ang TV5 sa ABS-CBN at GMA7.
Kaabang-abang ang announcement ni Ogie kung mananatili ba siya sa TV5? O, babalik kaya siya sa GMA7? O, lilipat siya sa ABS-CBN?
Paano naman kaya si Janno Gibbs? Sinundan pa niya si Ogie sa TV5. Sundan din kaya ni Janno si Ogie kung saan man ito mapuntang network?
Naudlot
Naudlot man ang pagsasama sa pelikula nina Coco Martin at Jennylyn Mercado na dapat sana’y pang-Metro Manila Film Festival entry, gagawa pa rin si Jen ng pelikula sa Star Cinema. ‘Yun nga lang, next year na niya ‘yun mauumpisahan at hindi na si Coco ang kapareha niya. Wish ni Jen na si Piolo Pascual ang makapareha niya.
Naudlot ang pagtatambal nina Jen at Coco dahil sa conflict ng schedule nila. Kapipirma lang ni Jen ng bagong kontrata sa GMA7 at priority niya ang paggawa ng project sa kanyang home studio. Si Coco naman, bukod sa busy sa taping ng “Ang Probinsiyano,” may gagawin pa siyang movie with Vice Ganda.
Iniisip na lang ni Jen na sa tamang panahon ay magkakatrabaho rin sila ni Coco. Sa Kapamilya actors ay nakatrabaho na ni Jen sina Sam Milby, Jericho Rosales at John Lloyd Cruz.
Ang ex-boyfriend ni Jen nasi Luis Manzano, may chance kayang magkasama rin sila sa isang movie project ng Star Cinema?