Inatasan na ni Department of Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo ang kanilang field office sa Davao City na tulungan ang mga nakaligtas at kamaganak ng mga nasawi sa pagsabog noong Biyernes ng gabi sa naturang lungsod.
Sinabi ni Taguiwalo na magsasagawa ng stress debriefing ang kanilang mga social workers sa mga nakaligtas at kamaganak ng mga nasawi.
Makikipagtulungan din ang DSWD sa mga local officials upang malaman ang iba pang pangangailangan ng mga biktima.
Nangako din ng tulong si Davao City Mayor Sara Duterte para sa pagpapagamot ng mga nasugatan at pagpapalibing sa mga nasawi.
Samantala, siniguro ng Department of Tourism na ligtas pa rin ang Davao City sa kabila ng nangyaring pagsabog.
Kinondena ni Tourism Secretary Wanda Corazon Teo ang insidente at nakiramay sa mga pamilya ng mga nasawi.
Kampante si Teo na papanagutin ni Pangulong Duterte ang mga taong nasa likod ng insidente at mapapanatili ng mga security forces ang kapayapaan at gagawin ang lahat upang hindi maulit ito. (Ellalyn B. de Vera and PNA)