Sobrang Masaya ang stand-up comedian na si Ronnie “Atak” Araña dahil sa dalawang regular shows niya ngayon sa GMA-7.
Kasama si Atak sa comedy anthology na Dear Uge at sa Sunday comedy variety na Sunday PinaSaya.
Unang nakilala si Atak sa mga pelikula ng yumaong director na si Wenn Deramas tulad ng “Ang Tanging Pamilya,”
“PetrangKabayo,” “Bromance,” “Momzillas,” “Bekikang,” “Girl Boy Bakla Tomboy,” “The Amazing Praybeyt Benjamin,”
“Maria Leonora Teresa,” “Moron 5.2” at “Wang Fam.”
Napapanood din siya sa ilang TV shows sa ABS-CBN 2.
Ayon sa komedyante, wala naman daw naging problema sa pagtanggap niya ng shows sa Siyete.
“Nagkakaroon lang naman ako ng project sa Dos dahil kay Direk Wenn.
“Ngayon at wala na si Direk Wenn, siyempre, may ibang priority na mga talents ang Dos.
“Mabuti na lang at may tumutulong sa akin, like si Tita June Rufino. Siya kasi ang manager ko at siya ang nag-asikaso ng pagpasok ko sa mga shows sa GMA.
“Una akong lumabas sa “Sunday PinaSaya” at natuwa naman sila sa akin. Tsaka matagal ko nang kilala sila Direk Andrew de Real, Ms. Ai-Ai delas Alas at Joey Paras. Kaya heto, naging part na rin ako ng pamilya nila.
“Salamat Kapuso network at pinagkatiwalaan ninyo ako,” ngiti pa ni Atak.
Happy rin si Atak dahil naging regular cast na siya ng show ni Eugene Domingo na “Dear Uge.”
“Noong una ay nag-guest lang ako. Pero natuwa sila sa naging rapport ko with Miss Uge at kay Divine Aucina, kinuha na nila akong regular cast.
“Unang role ko pa ay barangay tanod. Tapos ginawa akong ka-loveteam ni Divine. Ngayon naging babae na ako a la Caitlyn Jenner at meron pala akong anak na si Mercy (Jessah Nicole) na isa rin sa bagong cast member ng “Dear Uge.”
“Masaya sa set ng Dear Uge kasi si Miss Uge, ilang beses ko siyang nakatrabaho sa mga pelikula ni Direk Wenn,
“Hindi siya nagbabago at sobrang mabait pa rin siya.
“Napaka-generous niyang tao. Lalo kapag may eksena kami, gusto niyang mag-shine kami,” pagtapos pa ni Atak Araña.
(Ruel J. Mendoza)