Inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang limang vendor ng mga nakaw na mobile phones sa kahabaan ng Susana Road sa Nova Proper, Novaliches, Quezon City.
Kinilala ni Senior Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, QCPD director, ang mga naaresto na sina Amor David Padate, 28; Wilfredo Briones Betita, 26; Jaysubille Briones Betita, 24; Crisanto Obanon Estrella Jr, 32; at Filomeno Sususco Diamante, 43.
Ayon kay Eleazar, nadakip ang mga suspek matapos na magreklamao ang isang Michael dela Merced Cruz sa DSOU office noong 1:30 p.m. ng Sabado laban sa isang vendor na nabilihan niya ng depektibong Apple I-phone 5 sa halagang P2,500.
Sinabi ni Eleazar na nagmanman ang mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) sa pamumuno ni Police Senior Inspector Songalia sa sidewalk ng Susano Road, Novaliches, Quezon City, at nalaman nilang talamak pala ang bentahan doon ng mga nakaw na cellular phones.
Habang nasa lugar, namataan ni Cruz ang vendor na nagbenta sa kanya ng sirang Iphone unit. Dinakip ng mga pulis ang vendor kasama ang apat na iba pa nang mabigo silang magpakita ng business permit.
Nasamsam ng mga pulis ang 78 iba’t ibang klase ng cellphones. (Francis T. Wakefield)