ILOILO CITY – Matapos mapatay ang pinaghihinalaang drug lords na mag-asawang Melvin at Meriam Odicta, agad na pinondohan ng City Government ng Iloilo ang ilang mga rehabilitation centers sa lungsod.
Mismong si Iloilo City mayor Jed Patrick Mabilog ang nagpasinaya sa pormal na paglulunsad ng proyekto na itataguyod sa mga public gyms ng pitong lugar sa lungsod.
Bago ito ay isa si Mabilog sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang top drug lords ng Iloilo.
Tatawagin bilang ‘Crossroads”, ang mga rehabilitation centers ay matatagpuan sa Arevalo, City Proper, Jaro, Lapuz, La Paz, Mandurriao, at Molo districts.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang mga 420 drug dependents ang nasa mga rehab centers na kabilang sa mahigit 2,000 users at pushers na sumuko sa Iloilo City Police Office.
Ang mga rehabilitation centers ay dinisenyo ni Dr. Ruel Malata, isang Ilonggo psychiatrist na naging dalubhasa sa pag-aaral sa drug addiction sa England. (Tara Yap)