Kumpiyansa si world welterweight champion Jessie Vargas na panahon pa para siya naman ang maghari sa boxing.
Sa news conference na pormal na nag-anunsiyo ng kaniyang laban kontra Filipino challenger Manny Pacquiao, sinabi ni Vargas na malaki na ang ipinagbago ng kilos ng Filipino boxing sensation, bagay na sasamantalahin umano ng Mexican titleholder.
Ayon kay Vargas, childhood dream niya ang makalaban si Pacquiao lalo na nang kaniyang makita ang ginawang pagpulbos ng Filipino icon sa dalawa sa kaniyang Mexican idols tulad nina Erik Morales at Marco Antonio Barrera.
Kahapon ay nagharap sina Pacquiao at Vargas kasama ang kani-kanilang mga handlers sa news conference na ginanap sa Beverly Hills, California.
“His time has come. Just like when he took out Morales, he took him out at a time that I feel he was a bit past his prime. Barrera as well.” ani Vargas “And now, he’s past his prime and I’m going to take him out. I’m at my prime and this is my time to come up.”
Nakopo ni Vargas ang binakanteng WBO title nang patulugin nito sa 9th round si unknown challenger Sadam Ali noong Marso sa Washington.
Binitiwan noon ni former champion Timothy Bradley ang naturang WBO crown upang hamunin si Pacquiao sa ikatlong pagkakataon na nagresulta naman ng unanimous decision win para kay Pacman noong Abril sa Las Vegas.
Matapos ang panalo kay Bradley ay inanunsiyo ni Pacquiao ang kaniyang pagreretiro sa boxing upang tumutok sa kaniyang pagkampanya bilang senador kung saan pumnasok ito sa magic 12 matapos ang May national elections.
Samantala nais naman patunayan ni Vargas sa kaniyang mga kritiko na mayroon siyang sapat na kakayahan upang maging isa sa mga superstars ng boxing.
“I fought everybody that they put me against. Eversince I turned pro at a young age, I fought undefeated guys. Guys that were supposed to be big superstars. Guys that were destined for bright future and I knocked them out,” dagdag ni Vargas “I’m just continuing on that road. Now I get to fight the biggest fighter at the moment which is Manny Pacquiao.”
Itataya ni Vargas ang WBO belt sa kaniyang 12-round match kay Pacquiao na gaganapin November 5 sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas, Nevada.
“It’s a big challenge for me to prove I can still manage serving the people and being a boxer,” ani Pacquiao. “I want to give back to the fans who supported me for all these years.” (DENNIS G. PRINCIPE)