Umapela ang pulisya sa publiko na makipagtulungan sa mga ipinatutupad na hakbang pangseguridad sa ilalim ng “state of national emergency.”
Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Oscar Albayalde na bagamat wala pang banta ng terorismo sa Metro Manila, nagsasagawa ngayon ang kapulisan ng malawakang checkpoint para masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Ipinadala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 150 sundalo sa NCR matapos na ilagay ni Pangulong Duterte ang buong bansa sa ilalim state of national emergency kasunod ng insidente ng pambobomba sa Davao City noong isang linggo.
Ikinalat ang mga sundalo sa limang distrito ng NCRPO. Sa Quezon City, 43 sundalo ang itinalaga sa Quezon City checkpoints, ayon kay Albayalde. (Vanne Elaine P. Terrazola)