Hiniling ng Public Attorney’s Office (PAO) sa National Police Commission (Napolcom) na patawan ng 90-day preventive suspension ang pulis ng Highway Patrol Group (HPG) na sangkot sa pagkamatay ng isang motorista.
Isinumite ng PAO sa Napolcom ang motion na humihiling na isuspende si Police Officer 2 Jonjie Manon-og dahil sa pagkamatay ni John dela Riarte noong nakaraang Hulyo 29.
Ipinaliwanang ng PAO na base sa Section 1, Rule 16 ng Napolcom Circular 2016-002, na kung ang kasong isinampa laban sa isang pulis ay mabigat at ang ebidensiya sa nagawang pagkakasala ay malakas, maaring hilingin na isuspende siya ng hindi hihigit sa 90 na araw.
Ipinaalala ng PAO na nasampahan na ng administrative case sa Napolcom si Manon-og at ang kanyang co-respondent na si PO3 Jeremiah de Villa dahil sa grave misconduct dahil sa pagpapahirap, pagpatay at pagnanakaw kay Riarte.
Si De Villa ay nagpakamatay kamakailan. (Jeffrey G. Damicog)