Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang electoral protest na isinampa ni dating Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro laban kay incumbent Mayor Jaime Fresnedi.
Sa isang statement na ipinalabas kahapon, sinabi ng Muntinlupa City government na ibinasura ng Comelec First Division and protesta ni San Pedro dahil nabigo siyang i-presenta ang listahan ng mga ini-rereklamong presinto at pangalan ng revisors.
Sinabi ni San Pedro na nagkaroon ng malawakang pandaraya noong nakaraang May elections ngunit hindi siya nakapagbigay ng kinakailangang dokumento para sa preliminary conference ng kaso.
“Under Section 4, Rule 13 of Comelec Resolution No. 9720, a protestant should present the list of pilot protested or counter-protested precincts that will best illustrate the merits of the protest for the initial recount of paper ballots,” ayon sa Muntinlupa City government.
Nanalo si Fresnedi noong nakaraang May elections sa botong 125,250 laban kay San Pedro na nakakuha ng 58,000 boto. (Jonathan Hicap)