CAMP RAFAEL C. RODRIGUEZ, Butuan City – Dahil sa umano’y hindi magandang performance pagdating sa ‘Oplan Tokhang’ 19 na police chiefs ng iba’t ibang lugar ng Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 (PRO 13) ang sinibak sa pwesto.
Ayon kay regional director Chief Supt. Rolando Felix, kaniyang ibinaba ang kautusan matapos lumabas na hindi nakasabay sa standard na kanilang ipatupad ang 19 na hepe pagdating sa kanilang laban kontra illegal drugs.
Sibak sa pwesto ang mga police chiefs ng Jabonga at Las Nieves sa Agusan del Norte; La Paz sa Agusan del Sur; Cagdianao, Libjo at Loreto sa Dinagat Islands; Alegria, Bacuag, Malimono, San Benito, Burgos, Claver, Del Carmen, Gigaquit, Tubod at Sta. Monica sa Surigao del Norte; at Tandag, Cagwait at Cantilan sa Surigao del Sur.
“As a result of our validation on the performance of our chiefs of police in the implementation of Project Double Barrel as August 15, 2016, 19 out of 77 police stations performed below par,” ani Felix.
Tumanggi naman ang mga awtoridad na pangalanan ang mga police chiefs ng nasabing mga lugar ngunit naging mahigpit ang kanilang panawagan sa mga papalit sa pwesto na makasabay sa kanilang standard.
“We are determined to make Caraga as drug-free region that’s why we step up our relentless drive,” dagdag pa ni Felix.
Sa kabila ng pagkakasibak sa pwesto ng mga regional chiefs, nagpasalamat pa din si Felix sa publiko na nagbigay ng kanilang tulong pagdating sa kanilang operasyon.
Ito umano ay nagdulot pa din ng pagkakaroon ng epektibong ‘Oplan Tokhang’ program sa kanilang rehiyon.
(MIKE U. CRISMUNDO)