Hindi isyu kay Dingdong Dantes kung may mga nagsasabing ginaya lang sa US TV series na “Arrow” ang bago niyang primetime series sa GMA7, ang “Alyas Robin Hood.” Aniya sa presscon, malaki ang tiwala niya sa GMA at gusto lang nilang magkaroon ng show na maa-appreciate ng televiewers.
“Gusto lang naming maghatid ng isang maayos at magandang istorya. Dream come true sa akin na makagawa ng isang action-comedy-drama series. First action role ko ito, not a superhero. Excited ako talaga sa project na ito,” pahayag niya.
He plays Pepe, isang criminal lawyer na napagbintangan sa isang krimen na hindi niya ginawa.
“Ang ‘Alyas Robin Hood’ ay kuwentong napapanahon. Lahat tayo ay may kakayahang maging mabuti sa ating kapuwa,” saad ni Dingdong.
Isa pang nakaka-excite at nakaka-inspire sa kanya ay mga de-kalibreng artista ang katrabaho niya sa ARH. Tulad ng Cannes’ film festival best actress na si Jaclyn Jose, multi-awarded actors Christopher de Leon at Cherie Gil. Sobrang thankful si Dingdong na pumayag si Christopher sa isang special role as his father.
Kinilig
Kinilig naman si direk Dominic Zapata sa controversial issue tungkol sa “Alyas Robin Hood.” Aniya, hindi niya pinanonood ang US TV series na “Arrow,” pero thankful siya na dahil sa isyung diumano’y ginaya nila ang ARH sa naturang US TV series ay nagkaroon agad ito ng ingay.
“Malaking publicity ‘yun sa aming show. Para sa akin, good or bad publicity is still publicity. Nakakatulong ‘yun para mapag-usapan ang isang show,” ani direk Dominic.
Aniya pa, may similarities lang sa istorya ang “Arrow” at “Alyas Robin Hood.” Pero hindi masasabing kopya lang ito sa “Arrow.” Ayon kay direk Dominic, panoorin muna ang ARH bago ito husgahan. “Action genre is back,” aniya pa.
All praises siya kay Dingdong na aniya, since una silang nagkatrabaho sa defunct youth-oriented show ng GMA, ang TGIS, hindi pa rin ito nagbabago. “Hindi mo iisiping Primetime King dahil he’s very humble, mabait. Okey siya katrabaho. Walang kahirap-hirap, wala siyang reklamo. As an actor, he is a lot more intelligent,” ani direk Dominic.
Unang teleseryeng pinagsamahan nila’y “TwinHearts” na sinundan ng “My Beloved” with Marian Rivera na wife ngayon ni Dingdong.
First time
Unang nagkasama sina Dingdong Dantes at Andrea Torres sa “My Beloved,” kaya happy si Andrea na muli silang magkatrabaho sa “Alyas Robin Hood.” Ani Andrea, natuwa si Marian Rivera na magkasama sila muli ng husband nitong si Dingdong. Confident si Andrea na hindi siya pagseselosan ni Marian, sakaling magkakaroon sila ng kissing scene ni Dingdong.
“Okey lang basta nasa script. May tiwala naman ako kay direk Dom. May eksena nga ako na nakahubad,” ani Andrea. Aniya pa, first daring role ever niya at first time siyang nag-two-piece. First time rin niya sa isang gray character na hindi niya comfort zone. Nasanay kasi siya sa pa-sweet at api-apihan roles.
May conscious effort ba na magpaseksi siya at makipag-kumpitensiya kay Megan Young, knowing na Miss World 2013 ito?
“Ay, walang competition sa amin. Before pa simulan ang taping ng ‘Alyas Robin Hood,’ may mga small talk na kami ni Megan,” wika ni Andrea.
Sa September 19 ang pilot telecast ng “Alyas Robin Hood” sa GMA Telebabad.