‘Pinas wagi ng 3 medalya mula Moscow.
Isa pang gintong medalya ang idinagdag ng Dragonboat Team ng Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation (PCKDBF) sa pagsabak nito sa ginaganap na International Canoe Federation (ICF) World DragonBoat Championships 2016 kamakailan sa Moscow.
Ginulantang ng pambansang koponan ang mga kalaban sa 20-Seater Senior Mixed – 200m event matapos itala ang kabuuang oras na 00:43.641 upang agawin ang kabuuan nitong ikatlong ginto kontra sa host na Russia (00:45.541) at Thailand (00:45.559). Ikaaapat hanggang ikaanim ang Canada, Germany at Ukraine.
Mayroon na sa kabuuan ang delegasyon ng Pilipinas na binubuo ng edad-18 anyos pababa na mga miyembro at nasa una nitong pagsabak sa internasyonal na torneo na tatlong ginto, 1 pilak at 2 tanso habang nakatakda pa itong sumagupa sa dalawang event sa long distance na 2000m sa juniors at seniors.
Matatandaang nasungkit nito ang ginto sa 10 Seater Junior Mixed 200 meters sa pagtala ng pinakamabilis sa oras na 00:50.853 segundo upang talunin ang host na Russia (00:52.493) at Canada (00:53.654).
Unang hinablot ng pambansang koponan ang ginto sa unang araw ng torneo sa 20 Seater Senior Mixed 500 meters kung saan binigo ang lima pang matitinding koponan sa torneo na kinukunsiderang kasing halaga ng katatapos lamang na 2016 Rio De Janeiro Olympics.