Tatlong lalaki ang napatay nang makipagbarilan umano sa mga pulis na nagsagawa ng “Oplan Tokhang” sa Quezon City noong Miyerkules ng hapon.
Base sa police report, ikinasa ng mga tauhan ng Masambong Police Station (PS-2) ang Oplan Tokhang laban sa isang Alex Bacora alyas Dats, bandang 2:45 p.m. sa Acacia Street, Sitio San Roque, Barangay Pag-asa.
Napatay si Bacora at ang kanyang dalawang kasapakat na nakilalang si Messy Cadang, 35, at isang alyas “Kamal” matapos nilang paputukan ng baril ang mga pulis na kumatok sa bahay ng target.
Nagtangka pa umanong maghagis ng granada ang isa sa mga suspek, ayon sa police. Si-nabi ni Supt. Igmedio Bernaldez, PS-2 chief, na pang-anim sa kanilang drug watchlist si Bacora na kilalang tulak ng droga sa kanilang lugar.
Ilang beses na rin siyang naging target ng Oplan Tokhang ngunit lagi siyang nakakapagtago sa mga pulis. Ayon pa kay Bernalez, bago naganap ang shootout, nasilip pa ng mga pulis ang isang grupo na nagre-repack ng shabu sa loob ng barong-barong ni Bacora.
Matapos ang palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis at tatlong suspek, na-recover ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng insidente ang isang MK2 hand grenade, isang .45-caliber pistol na may limang bala, isang .22-caliber revolver na kargado ng limang bala, shabu, at mga gamit sa pagdo-droga. (Vanne P. Terrazola)