Apat na call center agents ang hinostage ng halos apat na oras ng isang lalaking armado ng kutsilyo sa Makati City Huwebes ng gabi.
Base sa police report, naganap ang pangho-hostage ni Ruben Asare alyas Boyet bandang 9 p.m. sa isang boarding house sa Kalayaan Avenue, Barangay Guadalupe Nuevo.
Sinabi ni Supt. Angelo Germinal, deputy chief of police of Makati, na kararating lamang ng suspek mula Sorsogon para bisitahin ang kanyang tiyahin.
Ngunit sa hindi malamang kadahilanan, bigla na lamang kumuha ng kutsilyo ang suspek at ikinulong ang apat na babae, kasama na ang isang buntis, sa boarding house.
Ang mga babae ay boarders ng tiyahin ng suspek, ayon sa police. Noong una, hiniling ng suspek na bigyan siya ng pagkakataong makausap ang barangay captain sa kanilang probinsiya.
Matapos ang apat na oras na negosasyon, napasuko rin ng mga rumespondeng pulis ang suspek at pinakawalan ang hostages bandang 1 a.m. kahapon.
Nasa police custody na ang suspek at nakatakdang siyang sampahan ng kaukulang kaso. (Rizal S. Obanil)